Sunday, December 9, 2007

Translated Poems

Download Verses, translated poems of Axel pinpin


http://images.kilometer64.multiply.com/attachment/0/R1WNEgoKCt8AAByCYhE1/verses.pdf?

Tuesday, October 16, 2007

DESAPARACIDO/ TAGPUAN



DESAPARACIDO/ TAGPUAN
(Para kay Gng. Edith Burgos)

Isang nakakaligaw na direksyon at mainit na okasyon
ang itinakda mong tagpuan. Kunminsa'y maulan rin
at mas malimit ay artipisyal ang kanyang-ambon
na hindi n'yo kailanman hinihingi at hinihiling.

Parusa ang tumalunton, maghanap sa libong pares
ng mga paang halos magkatulad ay pamilyar na.
sa pinagmula't inuwian mong mga bahay-iskwater,
pagawaan, piketlayn, iskwelaha't mga tumana.

Malimit ay lampas, tumatagos ang aking mga tingin
sa mapupulang katsa at dulo ng tandaang-panamdam
Bakasakaling naroroon ka't isa sa may kimkim
ng ngalit sa tikom na palad na nakatuon sa harang.

Kinalyo na ang aking paa; pati lalamunan sa pagsigaw
at pangangamusta. Nangalisag na ang balahibo
sa kilabot tuwing susuong, susulong ang mga alingawngaw
ng pagaspas ng mga bandera't kuyom na mga kamao.

Tila ipinagdaramot ka pa rin sa aking mga yakap
o kahit sa katiyakan na ika'y buhay.
Maaaring huling hantungan na ito ng aking paghahanap
pagkatapos sa mga istasyon, kampo, morge at libingan.

Nabigo man ako't naligaw sa itinatakdang tagpuan;
narating ko pa rin ang mga moog sa unahan ng inyong martsa.
Sa wakas! Natanaw ko ang tayog ng sigaw ng kalayaan!
Sa pulang katsang kinaroroonan ng inyong mukhang nawawala.

[25 July '07 / 0339 hr, AXEL P/ CVL]

ARRAIGNMENT/ AREGLO



ARRAIGNMENT/ AREGLO

Sa aminin mo ma't hindi, maghihimas kang rehas.
Kung wala kang pambayad sa abugado, lalo na sa batas.
Sabihin mo nang guilty ka, para madaling malutas.
Tutal ay dalawa kayong salarin ng batas na butas.

*
[01 Aug. / 1949 hr, AXEL P. /CVL]

English Translation

Eitherway, you will caress steel bars.
If you can't afford a lawyer or the law,
Just get it over with and say you did it.
Afterall, there are holes in the hallways
of you and the law


[05 Aug. '07 / 0943hr]

* Ang tulang ito ay ini-request ng rocked-Philippines
gagamitin para sa isang documentary na tumatalakay
sa slow justice system sa bansa, PAO
at plight ng mga common criminals

Pagpapaubaya



Pagpapaubaya

Hayaang ang lipuna’y humimig sa tulang ito—
umungol, umangil at sumigaw
sa bawat kataga ng pagsisinungaling.

Hayaang ang lipuna’y magngitngit sa ritmong ito—
sumiklab, magliyab at sumambulat
sa bawat linya ng panggigipit.

Hayaang ang lipuna’y magbalikwas sa tugmaang ito—
bumagsik, bumalasik at maghimagsik
sa bawat talatang pagmamalupit.

Hayaang ang lipuna’y mag-aklas sa bersong ito—
maipon, magtipon at magrebolusyon
sa bawat taludtod ng panunupil.

Hayaang ang lipuna’y pumayapa rin sa tulang ito—
magsikhay, magtagumapay at magdiwang
sa bawat salaysay ng himig
ng ngitngit
at pagbalikwas
ng nag-aklas
para sa kapayapaan

[23 July '07/ 2153hr, AXEL P. / CVL]
*matapos marinig ang SONA

Thursday, May 17, 2007

Itakas Ninyo Ako!


Itakas Ninyo Ako!

Gaya ng mga Bandolero,
salakayin ninyo ang kampo.
Kung pa’nong noong ika-walo
ng Disyembre, mil nwebe kwatro
sa pamumuno ni Heneral Felizardo
na kasingdulas ng igat
at singpanganib ng itim na musang,
mapanlinlang nilang inatake
ang garison sa ParaƱaque
habang mga constabulario’y bundat
sa masibang pamimistahan.
Tumangay ang mga tulisan
ng labinlimang carbine,
apat na rebolber
at sandamakmak na punglo.

Gaya ng Hukbong Bayan,
salakayin n’yo ang bilangguan.
Kung pa’nong noong unang buwan
ng taong dalwang libo’t anim
sa pamumuno ng Kumander
na walang ngalan ni apelyido,
na walang tsapa ni ranggo,
mapanlinlang nilang ni-raid
ang Batangas Provincial Jail
habang mga demonio-dela-guardia
ay bundat na nakamulaga.
Tumangay ang mga gerilya
ng anim na pistola
isang automatic shotgun
at siyam na bilanggong politikal .

Gayahin n’yo ang magigiting
salakayin n’yo rin ang Camp Vicente Lim.
Kung kailan? Pwedeng araw-arawin,
di kaylangang maging mapamahiin.
Sa pamumuno ninumang matapang,
yaong walang-takot,
yaong malakas ang loob,
magkunwari kayong dadalaw
sa libingan ng mga buhay,
habang mga bantay ay nangagtungayaw
sa panunuod sa laban ni Pacquiao.
Itakas ninyo ako! At kundi pa kayanin,
mga karanasan namin ang tangayin,
mga tula ko ay inyong itakas rin
saka sa Bayan- ikwento’t bigkasin!

Marso 18, 2006